COMELEC at Taguig-LGU, humiling ng kooperasyon mula sa Makati-LGU para sa pag-turnover ng mga botante mula sa 10 “EMBO” barangays

Nakiusap ang Commission on Elections (COMELEC) at lokal na pamahalaan ng Taguig ng kooperasyon mula sa Makati City-LGU sa pagturn-over ng mga botante mula sa sampung “EMBO” barangays.

 

Sabi ni COMELEC Chairman George Garcia na siniguro nila na walang mangyayaring tensyon sa gagawing turnover at sa mismong araw ng eleksyon dahil mayroon silang inilatag na procedural steps na mahigpit na susundin ng iba’t ibang departamento.

 

Dagdag pa ni Garcia, ang paghahain ng Certificate of Candidacy o COC ay isasagawa sa Taguig Convention Hall simula sa August 28 hanggang September 2, 2023.


 

Habang, ang botante aniya mula sa 10 “EMBO” barangays ay hindi na kailangang magparehistro muli para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa October 30, 2023.

 

Makikiusap din si Garcia sa Makati-LGU na magamit ang mga paaralan upang maging polling stations.

 

Ayon pa kay Garcia, aatasan ang Office of the Election Officer ng dalawang nasabing lungsod  na maghanda ng bagong listahan ng mga presinto at qualified electoral boards.

 

Samantala, lubos naman ang pasasalamat ng Taguig-LGU sa COMELEC matapos ang ginawa nitong tamang aksyon kasunod ng inilabas na kautusan ng Korte Suprema.

 

Sinabi pa ng lokal na pamahalaan ng Taguig na dapat manguna ang mga ahensya ng gobyerno para sa turnover upang hindi na magkaroon ng anumang tensyon.

Facebook Comments