Sa ating naging panayam kay Atty. Jerbee Cortez, kanyang sinabi na sa loob ng mahigit isang buwan na pangangampanya ng mga kumakandidato ay wala pa naman aniyang natatanggap na sumbong ang COMELEC dito sa Lungsod na may ginagawang paglabag ang mga kandidato gaya ng pamimigay ng pera o bumibili ng boto.
Pero aminado naman ang COMELEC Officer na mayroon itong mga nakikita na paglabag ng mga kandidato sa local at National Positions gaya ng kanilang mga campaign materials o tarpaulin na nakalagay o sabit sa mga ipinagbabawal na lugar.
Kaugnay nito ay sinabi ni Cortez na muling magsasagawa ng Operation Baklas ang COMELEC ito ay kung nakaluwag-luwag na sila ng schedule dahil sa ngayon aniya ay abala pa rin sila sa paghahanda sa nalalapit na eleksyon at pamimigay ng Voters Information Sheet o VIS sa kada barangay.
Samantala, nasa 80 o walumpung porsyento na ang kahandaan ng comelec kung saan hinihintay na lamang ang pagdating ng mga makina at balota.
Natapos na rin aniya ang seminar ng mga Board of Election Inspectors o BEIs na binubuo ng mga guro sa Lungsod ng Cauayan nitong buwan ng Marso at isusunod naman ngayong buwan ang orientation ng mga Board of Canvassers.