Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Atty. Jerbee Anthony Cortez, Acting Election Officer ng COMELEC Cauayan City, mula aniya nang ipatupad ang election gun ban sa buong bansa kasabay ng pagsisimula ng Election period nitong ika-9 ng Enero taong kasalukuyan ay wala pang naiulat na naaresto sa pagdadala ng mga ipinagbabawal sa ilalim ng election gun ban.
Dakong alas 12:01 ng madaling araw ng January 9,2022 nang ipatupad ang election gun ban na magtatagal hanggang June 8, 2022 kung saan nabisita na ng COMELEC Cauayan City ang dalawang inilatag na Checkpoints sa Lungsod partikular sa may Brgy. Alinam at Tagaran.
Ibinahagi rin ni Atty. Cortez ang ilan sa mga rules and regulations sa pag che-checkpoint na dapat nakikita at nakalagay sa maayos na lugar ang COMELEC Checkpoints.
Dapat ay naka uniporme din ang mga alagad ng batas na nakabantay sa checkpoint at ipatutupad lamang ang mga violations sa ilalim ng COMELEC resolutions and election laws.
Pinaalalahanan naman nito ang mga law enforcers na kung ano lamang ang mga bagay na nakikita ay yun lamang dapat na halughugin.
Samantala, nilinaw ni Atty. Cortez na hindi pa maikokonsiderang pangangampanya ang ginagawang pagpapaskil ng mga aspirants ng kanilang posters o tarpaulins sa mga gilid ng daan at establisyimento hindi pa naman aniya nagsisimula ang election campaign.
Maituturing lamang ani Atty. Cortez na ganap ng kandidato ang isang aspirant kung magsisimula na ang panahon ng pangangampanya sa Pebrero 8 hanggang Mayo 7, 2020 sa (National) at Marso 25 hanggang Mayo 7, 2022 (Local).