COMELEC chairman Andres Bautista, nanindigang hindi kapit tuko sa pwesto

Manila, Philippines – Nanindigan si Commission on Elections Chairman Andres Bautista na hindi siya kapit tuko sa pwesto.

Inihayag ito ni Bautista makaraang sabihin ng kanyang maybahay na si Ginang Patricia Paz “Tish” Bautista na nakipagpulong siya kay Pangulong Rodrigo Duterte upang isumbong ang umano’y tagong yaman ng poll chief.

Sinabi ni Bautista na sa katunayan maging siya ay kinausap ng Pangulo kasama ang kanyang asawa.


Nagsilbi pa ngang mediator at marriage counselor ang Pangulo para maayos ang gusot sa kanilang dalawa.

Hindi naman aniya hiningi ng Pangulo ang kanyang pagbibitiw sa pwesto pero sa oras na pagbitiwin siya nito ay kanya umanong igagalang ang desisyon ng Punong Ehekutibo.

Kasunod nito nakahanda siyang harapin ang ikinakasang imbestigasyon laban sa kanya.

Kanina, matatandaang iniutos na ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre sa National Bureau of Investigation na imbestigahan ang umano’y kabiguan ni Bautista na ideklara ang tamang kita at yaman sa kanyang Statement of Assets, Liabilities & Networth o SALN.

Facebook Comments