COMELEC Chairman Saidamen Pangarungan, nagpasalamat na sa mga taga-Comelec matapos ma-bypass ng Commission on Appointments

Nagpasalamat na sa mga taga-Commission on Elections (COMELEC) si Chairman Saidamen Pangarungan.

Ito ay matapos ma-bypass ng Commission on Appointments (CA) ang kanilang kumpirmasyon bilang ad interim appointees ng Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa kakulangan ng quorum.

Bukod kay Pangarungan, na-bypass din ng CA sina COMELEC Commissioners George Garcia at Aimee Neri.


Ayon kay Pangarungan, bagama’t mabigat sa kanyang kalooban ay tinatanggap niya at nirerespeto ang desisyon ng CA.

Sa kabila nito, ipinagmalaki naman ni Chairman Pangarungan ang malaking achievements ng COMELEC sa idinaos na 2022 national at local elections.

Tinukoy niya ang pinakamataas na voter turnout na 83.07% sa kasaysayan ng election history sa Pilipinas.

Bukod pa aniya rito ang naitala lamang na mababang election related incidents (ERI) na 27 kumpara sa 66 na insidente na naitala noong 2019 at 167 noong 2016.

Ito ay bunga aniya ng peace covenant na nilagdaan ng Comelec sa mga kandidato mula sa mga lugar na itinuturing na election hotspots tulad ng Abra, Samar, Marawi at Basilan

Maituturing din aniyang record-breaking ang bilis ng naging transmission ng election results sa Transparency Server bago maghatinggabi noong araw ng halalan.

Ipinagmalaki rin ni Pangarungan ang mabilis na pagkakaproklama sa mga nanalong senador, pangulo, pangalawang pangulo at maging sa partylist representatives.

Facebook Comments