DAGUPAN CITY, PANGASINAN – Ilang araw bago ang pagtatapos ng extended voter’s registration, inanunsyo ng Commission on Elections Dagupan na lilimitahan nito sa dalawang daang katao ang tatanggapin sa satellite voter’s registration na isinasagawa sa isang mall sa lungsod.
Sa panayam ng IFM Dagupan kay Dagupan City COMELEC Supervisor Attorney Frank Sarmiento, layunin nito na makontrol ang dagsa ng tao lalo pa’t mayroong sinusunod na health protocols.
Sa 200 katao, hindi kabilang dito ang mga senior citizens, person with disabilities, buntis at medical frontliners na nasa express lane.
Bubuksan ang pagpaparehistro 8: 30 ng umaga hanggang 4: 00 ng hapon.
Dahil dito, Nakiusap ang kagawaran na agahan ang pagpila sa registration venue upang mabigyan ng numero.
Isasagawa ang pagbibigay ng numero sa unang oras bago ang pagpasok sa venue.
Tanging ang nakapila ang mabibigyan ng numero at ipinagbabawal ang reservation ng slots.
Kung naabutan ng 200, pinapauwi na ito ng COMELEC upang hindi pumila at hindi masayang ang oras sa pagpila.
Sinabi din ni Attorney Sarmiento na binigyan na ang mga ito ng halos isang taon na palugit upang makapagparehistro ngunit ngayon lamang nakikipagsiksikan.
Gusto mang i-accommodate ng kagawaran ang lahat ng mga gustong magparehistro ngunit sa ngayon limitado na lang aniya ang oras.
Inaasahan na papalo sa 2.1 milyon ang bilang ng mga botante sa Pangasinan sa National and Local Elections 2022.###