Comelec, dismayado sa mga pasaway na kandidato sa Sangguniang Kabataan

Dismayado ang Commission on Elections (Comelec) sa ilang mga kumakandidato para sa Sangguniang Kabataan (SK).

Ito’y dahil sa karamihan sa kanila ay inirereklamo ng maagang pangangampaniya na malinaw na paglabag sa patakaran ng Comelec.

Kaya’t dahil dito, sinabi ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na lahat ng inireklamo ng premature campaigning ay sinampahan na nila ng disqualification case.


Giit pa ni Garcia, hindi nararapat maupo bilang mga kagawad o chairman ng SK ang mga lumalabag na kandidato sa simpleng patakaran.

Ikinalungot pa niya ang mga ganitong uri ng reklamo dahil kandidato pa lamang sa SK ay pasaway na, paano pa kung maupo sila sa mataas na pwesto.

Kaugnay nito, hinihikayat ni Garcia ang mga botante na ireport sa kanilang tanggapan ang mga pasaway na kandidato upang hindi maupo ang mga ito sa pwesto dahil siguradong magkakaroon ng problema sa pamamahala kapag sila ang nanalo.

Facebook Comments