Nagpaliwanag ang Commission on Election (COMELEC) kung bakit ang First Division ng komisyon ang nagbasura ng huling disqualification case laban kay dating Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ito ay kahit sa Second Division ng COMELEC unang nai-raffle ang nasabing petisyon na inihain ng grupong Pudno Nga Ilokano (Ang Totoong Ilokano) dahil sa tax evasion conviction.
Ayon kay COMELEC Commissioner George Garcia, patakaran na ng komisyon na dalhin ng sinumang commissioner ang mga petisyon o kasong hinawakan nito, oras na ilipat siya ng dibisyon.
Aniya, ito ay para mas mapabilis ang desisyon dahil hindi na maililipat pa ang petisyon sa ibang commissioner na hindi pamilyar sa impormasyon nito.
Nauna nang ibinasura ng COMELEC First Division ang huling disqualification case ni Marcos dahil sa “lack of merit.”
Ang nasabing ruling ay pirmado nina COMELEC Commissioners Socorro Inting, Aimee Ferolino at Aimee Torrefranca-Neri.
Nito lamang Pebrero, ibinasura rin ng COMELEC ang tatlong consolidated petitions laban kay Marcos na inihain ng ilang Martial Law survivors.
Dati na ring ibinasura ng Comelec Second Division ang petisyon na nagpapakansela sa Certificate of Candidacy (COC) ni Marcos.