COMELEC, gagastos ng mas malaki sakaling ipagpaliban sa susunod na taon ang Barangay at SK elections

Gagastos ng mas malaki ang Commission on Elections (COMELEC) kung ipagpapaliban ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa susunod na taon.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Electoral Reforms and People’s Participation kaugnay sa panukalang pagpapaliban sa Barangay at SK election, sinabi ni COMELEC Chairman George Garcia na mangangailangan sila ng ₱17 billion kung sa May 2023 idaraos ang halalan at ₱18 billion kung sa December 2023 naman isasagawa ang halalan sa Barangay at SK.

Sakaling matuloy ang Barangay at SK election ngayong December 5, 2022 ay aabot naman sa ₱8.5 billion ang kanilang pondo.


Ikinagulat naman ng Chairman ng komite na si Senator Imee Marcos ang pagdoble ng kakailanganing pondo sa Barangay at SK elections.

Kung ang senadora ang tatanungin, hindi na dapat pang i-postpone ang Barangay at SK Elections lalo’t naipangako noon kay dating Senador Franklin Drilon na ito na ang huling pagpapaliban sa nasabing halalan.

Samantala, idinagdag ni Garcia na kung i-re-reset ang halalan sa Disyembre ay posibleng buksan muli ng COMELEC ang registration at inaasahang aabot sa 3-5 million ang karagdagang magpaparehistro.

Facebook Comments