Nakahanda ang Commission on Elections o COMELEC na humarap sa isang proper forum kaugnay sa mga reklamo na may kaugnayan sa katatapos na 2022 eleksyon.
Kaugnay ito sa protesta ngayon sa harap ng gusali ng COMELEC sa Intramuros dahil sa umano’y pagpalya at pagiging bias sa halalan ng komisyon.
Ayon kay Comelec Spokesperson John Rex Laudiangco, iginagalang ng Comelec ang karapatan ng mga kababayan na magpahayag ng saloobin.
Sinabi nito na lahat ng ginagawa ng Comelec ay salig sa rules.
Pero hiling ni Laudiangco sa mga nagpoprotesta, mayroong batas para idaan sa maayos na proseso ang kanilang mga hinaing.
Kung may basehan ang mga alegasyon ng “failure of election” ay mayroon umanong proper proceedings para rito at nakahanda ang Comelec na tumalima sa tamang forum.
Samantala, suspended pa rin ang canvassing dito sa PICC dahil wala pang pumapasok na “certificate of canvass” (COCs) mula sa mga probinsya.
Inaasahang mamaya pang alas- syete ng gabi muling mag-co-convene ang Comelec-National Board of Canvassers (NBOC) sakaling mayroon nang ma-i-transmit na COCs.