Hindi pinagbigyan ng Commission on Elections (Comelec) 2nd division ang “motion for reconsideration” laban sa kautusan na nagpapalawig sa deadline na ibinigay sa presidential aspirant at dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ito’y para magsumite ng verified answer o sagutin ang petisyon na nagpapa-kansela sa kanyang Certificate of Candidacy (COC).
Sa desisyon ng 2nd division ng Comelec na promulgated noong November 23, denied ang mosyon na inihain ni Father Christian Buenafe na co-chairman ng Task Force Detainees of the Philippines, Fides Lim ng grupong Kapatid at iba pa.
Nauna na nilang ikinatwiran na sa unang disqualification case laban kay Marcos, ang “period” para magsumite ng tugon ay nag-lapse na noong November 16 pero ang kautusan na inilabas ng Comelec 2nd division ay may petsang November 18, kaya wala umanong dapat i-extend.
Ipinunto pa na walang “damage” sa mga petitioner, dahil ang respondent na si Marcos ay naghain ng kanyang sagot noong November 19 o tatlong araw bago ang expiration ng extension na binigay.
Dagdag dito, batay sa rule 1 ng 1993 Comelec Rules of Procedure, may kapangyarihan ang Comelec na suspindihin ang rules nito o anumang portion, para umano sa “interest of justice” at para sa mabilis na disposition sa mga nakabinbing petition sa Comelec.