Hinihikayat ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia ang mga botante na natanggal sa listahan na samantalahin na ang isinasagawang pagpapa-rehistro.
Ito’y upang makaboto sa susunod na halalan o midterm elections.
Ayon kay Garcia, ang higit 4.2 milyong botanteng nawala sa listahan ay maaaring magtungo sa mga Local Comelec Offices, Satellite Registration, at Register Anywhere Program upang ipa-reactivate muli ang kanilang rehistro.
Giit ni Garcia, nananatili pa rin naman ang record ng kada-botante kung saan bibigyan pa sila ng pagkakataon na ayusin ito.
Sinabi pa ni Garcia na ang mga pangalan ng mga botanteng natanggal sa listahan ay makikita sa mga local Comelec offices at ilan naman sa mga ito ay hindi nakaboto ng dalawang magkasunod na halalan.
Paalala pa ng Comelec, hanggang September 30 ang deadline ng pagpaparehistro at maaaring magparehistro ang mga aplikante mula Lunes hanggang Sabado, alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon sa alinmang tanggapan ng Comelec sa buong bansa.