COMELEC, hinimok ang publiko na magsumbong kung may makitang kahina-hinala ngayong eleksyon

Hinikayat ng Commission on Elections (COMELEC) ang publiko na makipag-ugnayan sa kanila sakaling may mga makitang kahina-hinala ngayong darating na halalan.

Sa isang pahayag, sinabi ng COMELEC na sineseryoso nila ang mga ganitong insidente kasabay ng pagbibigay babala sa mga gustong manggulo sa araw ng eleksyon.

Pinayuhan ng poll body ang publiko na agad ipagbigay-alam sa election officer o sa pulisya sakaling may makitang kahina-hinalang gawain.

Kahapon, tatlong nagpakilalang empleyado ng Comelec Main Office ang inaresto matapos magtangkang inspeksiyunin ang Automated Counting Machine sa Silangan Elementary School, Brgy. San Pablo Norte, Santa Cruz, Laguna.

Bago yan, isang hinihinalang Chinese spy ang nahuli ng mga tauhan ng NBI malapit sa punong tanggapan sa Intramuros kung saan nakuhanan ito ng International Mobile Subscriber Identity (IMSI) catcher na ginagamit upang makakalap ng mga pribado at sensitibong impormasyon.

May nauna na ring inaresto ang CIDG na tatlong nagpanggap na tauhan ng COMELEC Information Technology Department na nag-aalok ng pagmamanipula ng resulta ng halalan at “sure win” para sa mga kandidato kapalit ang milyon-milyong halaga ng pera.

Wala anilang puwang sa darating na halalan ang pagpapalaganap ng fake news, pagtatangkang manggulo, at pananakot sa mga botanteng Pilipino.

Facebook Comments