Comelec, humingi na ng saklolo sa Kongreso na magpasa ng batas na mag-oobliga sa mga civil registry offices na magsumite ng listahan ng mga botanteng pumanaw na

Umapela ang Commission on Elections (Comelec) sa Kongreso na mag-apruba ng batas na magbibigay mandato sa Office of the Civil Registry ng bawat bayan na libreng isumite sa poll body ang death certificates sa kanilang mga lugar.

Ito ang naging suhestyon ni Comelec Chairman George Erwin Garcia sa tanong ni Senator Risa Hontiveros tungkol sa hakbang ng komisyon kaugnay sa mga indibidwal na may multiple registration sa iba’t ibang local government units (LGUs).

Tinukoy ni Garcia na problema nila ang ilang mga botante na nasawi sa lugar na hindi naman rehistrado doon at ito ay hindi na naire-report sa Comelec dahilan kaya aktibo pa rin ang registration nito.


Bukod dito, naniningil din aniya ang mga civil registrars sa pagkuha nila ng impormasyon sa bawat nasawing botante at iginiit na wala silang pondo para rito.

Ito aniya ang problema kaya marami sa mga nasasawing botante ang hindi naaalis sa listahan ng Comelec.

Hiling ni Garcia na magpasa ng batas ang Kongreso kung saan oobligahin ang mga registry offices na magsumite quarterly ng death certificates sa kanilang mga lugar upang ma-update ng poll body ang listahan ng mga botante.

Facebook Comments