Comelec, iginiit na dapat makapili na ng election machines contractor sa katapusan ng Marso 2024

 

Inihayag ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Garcia na dapat ay makapili na ang poll body ng election machines contractor sa katapusan ng Marso 2024.

 

Ito’y dahil may isang taon na paghahanda ang kailangan ng Comelec para sa 2025 midterm polls.

 

Ayon kay Garcia, sa kasalukuyan, ang Miru Systems Co., Ltd. ang nag-iisang bidder para sa P18.827-billion contract para sa 2025 automated election system, ang deal na dating hawak ng Smartmatic.


 

Matatandaan na diniskwalipika ng Comelec ang Smartmatic noong Nobyembre, sa paglahok nila sa lahat ng procurement para sa susunod na halalan.

 

Dagdag pa ni Garcia, bukod sa pag-upa ng Full Automation System with Transparency Audit/Count (FASTrAC), ang contractor para sa 2025 election ay dapat mag-suplay ng mga automated counting machine, mga balota, canvassing at iba pang materyales na gagamitin para sa pagboto.

 

Sinabi ni Garcia na ang deadline sa Marso ay kritikal para ma-recalibrate ang mga bagong makina na gagamitin sa May 2025 elections.

 

Nilinaw rin ni Garcia na ang Miru, ang Korean-led joint venture ay hindi pa nakukuha ang kontrata ngunit sila ngayon ay nasa “second phase” ng bidding process.

Facebook Comments