COMELEC, iimbestigahan kung may kaugnayan sa halalan ang dalawang insidente ng pamamaril sa Bukidnon at Lanao del Sur

Iimbestigahan na ng Commission on Elections (COMELEC) kung may kaugnayan sa halalan ang dalawang magkahiwalay na insidente ng pamamaril sa Bukidnon at Lanao del Sur.

Ito ay matapos na magkabarilan ang dalawang pamilya sa Lanao del Sur na nag-iwan ng walong sugatan at ang pamamaril sa grupo nina presidential candidate Ka Leody de Guzman habang nakikipagpulong sa Bukidnon.

Sabi ni COMELEC Chairman Saidamen Pangarungan, nakahanda silang magbigay ng karagdagang security detail sa lahat ng mga presidential at vice presidential candidates habang tumatakbo ang imbestigasyon.


Kasabay nito, mariing kinondena ni Pagarungan ang dalawang insidente at sinabing walang lugar sa proseso ng halalan ang mga ganitong karahasan.

Una nang sinabi ni COMELEC Commissioner George Garcia na handa silang gamitin ang lahat ng kapangyarihan ng ahensiya para mapanagot ang sinumang nasa likod nito kung mapapatunayan na isa itong election related violence.

Samantala, isinailalim na rin sa kontrol ng COMELEC ang mga bayan ng Tubaran at Malabang sa Lanao del Sur dahil sa mga posibleng banta sa nalalapit na halalan.

Facebook Comments