Ikinatuwa ng Commission on Elections (COMELEC) ang maayos at payapang pagdaraos ng ikalawang plebesito ng Bangsamoro Organic Law sa Lanao del Norte at North Cotabato kahapon.
Ayon kay COMELEC Region 12 Regional Director Michael Abas – “on time” na nabuksan ang plebesito at maayos itong naisagawa hanggang sa matapos ang botohan.
Wala rin aniyang umatras na mga miyembro ng plebiscite committee sa kabila ng sunud-sunod na pagsabog sa Lanao del Norte at maguindanao bago ang araw ng plebesito.
Sa Sabado, February 9, inaasahan ng COMELEC na tapos na ang canvassing ng mga boto sa local level at agad itong maipapadala sa national plebiscite board of canvassers sa Intramuros, Maynila.
Ayon naman kay COMELEC Spokesman James Jimenez – posibleng abutin pa ng apat na araw bago nila mailabas ang resulta ng ikalawang plebisito.
Nauna nang sinabi ng COMELEC na target nito ang 70% turnout sa ikalawang plebesito.
Pero sabi ni Abas – ikinokonsidera na nilang mataas ang 60% voter turnout lalo at nanggaling ang mga botante sa mga lugar na ayaw mapasama sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).