COMELEC, ikukunsidera na rin ang isang buwang pagpapalawig para sa overseas voter registration

Pag-aaralan ng Commission on Elections (COMELEC) na gawin na ring 30 araw o isang buwan ang pagpapalawig sa overseas voter registration.

Sa naunang manifestation ni Surigao del Norte Rep. Francisco Jose Matugas II, sponsor ng 2022 COMELEC budget, sinabi nito na isang linggong extension lamang ang ibibigay para sa overseas voter registration.

Kinwestyon ni Bayan Muna Partylist Rep. Ferdinand Gaite na bakit isang linggo lang ang ibibigay na extension sa overseas voter registration gayong tulad sa Pilipinas ay nakaranas din ng lockdown at limitasyon sa paggalaw ang ibang mga bansa.


Ipinaliwanag naman ni Matugas na mas maaga kasi ng isang buwan ang pagsasagawa ng overseas election kumpara sa local elections kaya mas maaga dapat ang paghahanda para dito.

Base rin aniya sa computation ng komisyon ay maraming paghahanda ang kailangang gawin para sa pagboto ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) kaya isang linggo lamang ang naunang napagdesisyunan ng COMELEC.

Pero agad namang nagpadala ng mensahe ang tanggapan ni COMELEC Chairman Sheriff Abas kay Matugas at inihayag sa plenaryo na isasama na sa pag-aaralan at dedesisyunan bukas ng COMELEC en banc ang suhestyon ni Gaite na gawin na ring isang buwan ang voter registration extension o hanggang October 31, 2021.

Target sa 2022 na maitaas sa 1.6 million mula sa 1.5 million ang mga overseas voters.

Facebook Comments