Kinumpirma ni Appropriations Vice Chairman at Surigao del Norte Rep. Francisco Jose Matugas II na nakatakdang aprubahan ng Commission on Elections (COMELEC) ang pagpapalawig sa voter registration hanggang October 31, 2021.
Ito ang inanusyo ni Matugas, sponsor ng budget ng COMELEC sa 2022, sa gitna na rin ng deliberasyon sa plenaryo.
Nilinaw naman ni Matugas na ang 30 araw na pagpapalawig sa voter registration ay para sa local lamang habang ang overseas voter registration ay posibleng isang linggo lamang ang ibigay na extension.
Nauna nang inaprubahan ng Senado at Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang i-extend ang voter registration ng isang buwan mula sa Setyembre 30, deadline upang maiwasan ang malawakang voter disenfranchisement.
Samantala, sinabi ni Matugas na base sa inaprubahan ng Department of Budget and Management (DBM) ay aabot sa P26.4 billion ang pondo ng COMELEC, mas mababa kumpara sa P42 billion na proposed budget ng komisyon.
Umaapela naman ang ilang kongresista na ibalik sa original budget proposal o dagdagan pa ang pondo ng COMELEC sa susunod na taon.