COMELEC, maaring makasuhan dahil sa insidente ng data breach sa Lanao Del Sur

Posibleng managot ang Commission on Elections (COMELEC) dahil sa naantalang pag-uulat sa National Privacy Commission ng panibagong insidente ng data breach na kinasangkutan ng tanggapan ng poll body sa Wao, Lanao Del Sur nuong January 11, 2017.

 

Ito ay matapos manakaw ang computer na naglalaman ng sensitibong voters' information sa tanggapan ng COMELEC sa Wao.

 

Ayon kay National Privacy Commissioner Raymond Liboro, sa ilalim ng Republic Act 101-73 o Data Privacy Act, kinakailangang sa loob ng 72 oras ay maiulat sa kanilang tanggapan ang mga insidente ng data breach na naglalaman ng mga sensitibong personal na impormasyon.

 

Pero inabot ng dalawang linggo ang COMELEC bago sila nakapagsumite ng ulat sa National Privacy Commission.

 

Sinabi ni Liboro na iniimbestigahan na nila ang insidente, pero ang naantalang pag-uulat ng COMELEC ay posibleng maituring nang Concealment of Security Breach na isang paglabag sa ilalim ng Data Privacy Act.

 

Salig sa nasabing batas, ang nasabing paglabag ay may katapat na parusang pagkabilanggo mula isang taon at anim na buwan hanggang limang taon at multa na hanggang isang milyong piso.

 

Una nang inamin ng COMELEC na kaya inabot ng dalawang linggo bago sila nakapagsumite ng ulat kaugnay ng nangyaring nakawan sa Lanao del Sur ay dahil ayaw nilang maabala ang nagpapatuloy na voters registration para sa October 23, 2017 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.




Facebook Comments