COMELEC, maghihintay pa ng kumpirmasyon sa mga dadalo sa isasagawa nilang debate katuwang ang KBP

Maghihintay pa ang Commission on Elections (COMELEC) ng kumpirmasyon ng mga presidential at vice presidential candidates na dadalo sa inorganisa nitong debate katuwang ang Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP).

Ayon kay Comelec Commissioner George Garcia, hanggang sa Martes, April 26, 2022 ay hihintayin nila kung sino sa mga kandidato ang dadalo.

Matapos nito, dito na magdedesisyon ang COMELEC hinggil sa ilang detalye ng isasagawang debate.


Nabatid na Ilang kandidato na ang nagsabing posibleng hindi sila makadalo sa bagong petsa ng debate dahil sa mga nakatakda nilang campaign activities.

Matatandaang inilipat ng COMELEC sa April 30 at May 1 ang vice presidential at presidential debate na nakatakda sanang gawin kahapon at ngayong araw.

Nakansela ito makaraang hindi pa nabayaran ng organizer na Impact Hub Manila ang ₱14 million na kulang nito sa Sofitel Philippine Plaza Manila kung saan ang venue ng naikasang mga debate.

Sinabi pa ni Garcia na hiniling ng KBP na siyang tutulong sa kanila sa ni-reschedule na debate na makadalo sana ang lahat ng mga kandidato.

Facebook Comments