Posibleng mauwi sa mano-mano ang sistema ng 2025 midterm elections sakaling makansela ang kontrata ng Comelec sa South Korean company na Miru Systems.
Ito ang ibinabala ng ahensya kasunod ng inihaing petisyon ni dating Caloocan Representative Edgar Erice sa Supreme Court upang maglabas ng temporary restraining order na layong ibasura ang nasabing kontrata.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni COMELEC Spokesperson Atty. John Rex Laudiangco na kung kakatigan ng Supreme Court ang petisyon ay maaantala ang kanilang paghahanda para sa automated election.
Dinepensahan din ni Laudiangco ang agarang pagpili ng Comelec sa Miru kahit wala itong naging kalaban sa bidding, dahil nag-qualify naman aniya ito sa mga requirement ng ahensya.
Una nang inihayag ng COMELEC na maghahain ito ng motion for reconsideration sa Supreme Court para kontrahin ang desisyon nito na “grave abuse of discretion” ang pag-disqualify ng ahensya sa Smartmatic para maging service provider sa susunod na eleksyon.
Depensa ng COMELEC, tama lang na inalis nito ang Smartmatic dahil posibleng magka-aberya muli sa 2025 elections gaya noong 2022.