Kasunod ng ginawang protesta ng mga guro laban sa isyu ng pagbubuwis sa kanilang honoraria sa pagsisilbi sa may 13 midterm election.
Nilinaw ngayon ng Commisison on Election na alinsunod sa umiiral na batas, hindi binubuwisan ang matatanggap na honoraria at allowance ng mga gurong magsisilbi sa halalan.
Ayon kay Comelec Spokesman James Jimenez, nakasaad sa rules and regulations ng Bureau of Internal Revenue, walang ipapataw na buwis sa mga magsisilbing miyembro ng Electoral Boards (EBs).
Kailangan lamang na magpasa ang mga guro sa Comelec ng kaukulang dokumento na nagpapatunay ng kanilang pagsisilbi sa halalan, at hindi lalampas sa P250 libong piso ang threshold ng kanilang isang taong sahod.
Sinabi pa ni Jimenez na nakasaad din ito sa Republic Act No. 10756, o ang batas na nagtatakda ng kumpensasyon at benepisyo sa mga public school teacher na magsisilbi sa eleksyon.
Sa mga gurong hihigit pa sa itinakdang threshold ng sahod at makatatanggap pa ng karagdagang kumpensasyon sa halalan, ang comelec na ang magkakaltas ng buwis bilang withholding agent sa ilalim ng BIR rules.