Permanente nang pinatatanggal sa puwesto ng Commission on Elections (COMELEC) ang napatalsik na si Jaen, Nueva Ecija Mayor Antonio Prospero Esquivel.
Ito ay matapos magpalabas ngayong araw ang COMELEC Second Division ng Preliminary Injunction laban kay Esquivel.
Sa desisyon na pirmado ni COMELEC Commissioner Socorro Inting, inatasan din nito si Interior and Local Government Sec. Eduardo Año na ipatupad na ang Writ of Preliminary Injunction laban kay Esquivel.
Inatasan din ng poll body ang Department of the Interior and Local Government Unit (DILG) na magsumite sa kanila ng progress report sa loob ng 3 araw hinggil sa kanilang pagsisilbi sa naturang order.
Ipinag-utos din ng COMELEC ang agarang pagpapaupo sa puwesto kay reinstated Mayor Sylvia Austria.
Magugunitang nakunan ng video si Esquivel at anak nitong si Tonyboy Esquivel kasama ang sinasabing private army ng mga ito na tinututukan ng high powered firearms, ang mga supporters ni Austria sa loob ng Municipal Hall compound.
Una nang kinuwestiyon ni Austria sa COMELEC ang aniya’y illegal take over ni Esquivel bilang municipal mayor dahil ito ay may bahid na pandaraya at iligalidad.