Nagpaalala ang Commission on Elections (COMELEC) sa mga botante na dumiretso na sa pag-uwi pagkatapos makaboto sa araw ng halalan at huwag ng makipag-kwentuhan o makipag-Marites.
Ayon kay COMELEC Commissioner George Garcia, base kasi sa mga nakaraang halalan ay mapapansin na may mga botante na pagala-gala pa sa loob ng polling places habang ang iba ay nakikipag-kwentuhan pa.
Aniya, mayroon pa ring COVID-19 kaya mainam na umuwi na lang sa bahay kapag tapos nang bumoto.
Maliban dito, sinabi ni Garcia na mahigpit na ipinagbabawal na pagpustahan ang magiging resulta ng botohan sa Mayo 9.
Mahaharap aniya sa pagkakakulong ang sinumang mapapatunayang sangkot sa nasabing ilegal na gawain alinsunod sa probisyon ng Omnibus Election Code.
Muli ring iginiit ni Garcia ang matagal na niyang babala hinggil sa vote-buying at selling.
Hindi nakabatay aniya sa laki ng halaga ng pagbili ng boto ang pananagutan sa batas ng isang indibidwal na sangkot dito.