Nanindigan ang Commission on Elections (COMELEC) En Banc sa desisyon ng pagbasura nito sa disqualification petitions laban kay dating Senador at Presidential frontrunner Ferdinand “BongBong” Marcos Jr.
Sa desisyon ng En Banc, nakasaad na bigo ang petitioners na makapaghain ng mga bagong argumento para baliktarin nila ang desisyon ng kanilang division sa kaso.
Giit pa ng COMELEC En Banc, hindi nagkamali ang kanilang 1st at 2nd Division nang katigan nito ang argumento na hindi masasabing nagsinungaling si Marcos sa kaniyang Certificate of Candidacy (COC) nang sagutin nito ng “no” kung nagkaroon na ba siya ng conviction.
Malinaw naman kasi ayon sa En Banc na walang nakalagay sa desisyon ng Court of Appeals patungkol sa perpetual disqualification rito sa paghawak ng anumang pwesto sa gobyerno.
Nagkamali rin umano ng ginamit na batas ang petitioners ng kaso.
Sa ngayon, isang motion for reconsideration kaugnay sa Marcos case na lang ang natitirang nakabinbin sa En Banc.
Samantala, kinakailangan maghain muli ng apela ang petitioners sa loob ng limang araw dahil kung hindi ay magiging “final and executory” ang desisyon ng En Banc.