Nanindigan ang Commission on Elections (Comelec) na hindi naapektuhan ang kanilang integridad kasunod ng desisyon ng Korte Suprema na nagkaroon ng grave abuse of discretion nang i-disqualify ang service provider na Smartmatic.
Ayon kay Comelec Chairperson George Garcia, wala namang mababago sa takbo ng 2025 elections dahil hindi naman ito apektado sa ruling ng Korte Suprema.
Sa ngayon, tuloy-tuloy ang paghahanda ng Comelec para sa halalan sa susunod na taon katuwang ang partner na South Korean firm na Miru Systems na nanalo sa bidding.
Na-disqualify ang Smartmatic noong Nobyembre ng nakaraang taon dahil sa alegasyon ng bribery o panunuhol kay dating Comelec Chairman Andres Bautista kapalit ng pag-award ng kontrata sa election provider.
Inapela ito ng Smartmatic sa Korte Suprema at iginiit na hindi naging patas ang poll body sa desisyon.