Manila, Philippines – Sa gagawing en banc session ng Commission on elections o COMELEC sa Martes ay pagpapasyahan kung itutuloy pa o ihihinto na ang pag-imprinta ng balota para sa Barangay at Sangguniang Kabataan o SK elections na nakatakda sana ngayong Oktubre.
Ito ang inihayag ni COMELEC Chairman Andres Bautista makaraang makalusot na sa third and final reading sa senado ang panukala sa Barangay at SK elections sa may 2018 na nauna ng nakapasa sa Kamara.
Ayon kay Bautista, umaabot na 26 million ballots para sa barangay at 1.6 million ballots naman para sa SK ang naimprinta at pwede aniya itong ituloy o tapusin upang itabi na lang at gamitin sa susunod na barangay elections.
Sabi ni Bautista, umaabot na ngayon sa 600 million pesos ang nagagastos ng COMELEC para sa preparasyon ng Barangay at SK elections at kasama na dyan ang gastos sa printing of ballots at mobilization ng mga tao.
Samantala, napakabilis at inabot lang ng halos 15-minuto ay inaprubahan agad ng Senate Finance Committee ang 16-billion pesos na proposed 2018 budget para sa COMELEC.