COMELEC, pinagpapaliwanag ang nasa 300 kandidato para sa BSKE

Umaabot na sa 300 kandidato sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) ang ipinapatawag at pinagpapaliwanag ng Commission on Elections (COMELEC).

Ayon kay COMELEC Chairman George Garcia, ang mga kandidatong ito ay isinumbong sa kanilang tanggapan.

Aniya, ilan sa kanila ay posibleng lumabag sa patakaran hinggil sa premature campaigning.


Ang mga kandidatong ito ay naitala sa mga lugar ng Bukidnon, Camarines Sur, Cavite, Bulacan, Laguna, Cebu, Cotabato, Nueva Ecija, Pampanga, Tarlac at Metro Manila.

Sinabi ni Garcia na madaragdagan pa ang bilang nito habang patuloy na kinukumpirma ng COMELEC ang mga impormasyon at petisyon na ipinapadala sa kanila.

Muling iginiit ni Garcia na bukod sa disqualification sa nalalapit na eleksyon, ang mga kandidatong makukumpirmang lumabag, maaari rin silang ipagbawal na maupo sa anumang posisyon sa gobyerno ng habang-buhay o kaya ay makulong.

Facebook Comments