Cauayan City, Isabela- Handang-handa na umano ang Commission on Election (COMELEC) sa nalalapit na paghahain ng Certificate of Candidacy (COC) ng mga kandidato sa local elections sa buong rehiyon dos sa darating na biyernes, Oktubre 1, 2021.
Sa eksklusibong panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay COMELEC Region 2 Assistant Regional Director Atty. Jerbee Anthony Cortez, dalawa hanggang tatlong tao lamang ang tatanggapin ng comelec sa mga maghahain ng kandidatura.
Ayon kay Cortez, iiwasan na umano ang pagdagsa ng mga taga suporta ng mga kandidato na maghahain ng kanilang COC para maiwasan ang posibleng hawaan ng COVID-19.
Mahigpit umanong ipatutupad ng COMELEC ang ganitong hakbang sa harap ng pagsunod sa health protocol laban sa COVID-19.
Samantala, malaking tulong umano ang ginagawang satellite registration sa mga piling lugar gaya ng mall kung saan malaking kaginhawaan ito para sa mga botante na hindi na pupunta pa sa tanggapan ng COMELEC na magparehistro at makaiwas sa malaking gastos sa pamasahe para sa mga commuters.
Sa kabila nito, pinalawig na ng Comelec ang voters registration mula Oktubre 11-30 bilang tugon sa kahilingan ng mga mambabatas para sa mga botanteng hindi pa nakapagparehistro.