COMELEC REINA MERCEDES, ABALA SA PAGHAHANDA SA 2022 ELECTIONS

Cauayan City, Isabela- Masusi ngayon ang paghahanda ng Commision on Election sa Bayan ng Reina Mercedes para sa darating na May 9, national at local elections.

Ito ang naging pahayag ni Ginoong Ramon L. Octubre, Election Officer ng Reina Mercedes, Isabela sa ating ginawang panayam kaninang umaga.

Kabilang sa mga isinasagawang paghahanda ay ang pag-aayos sa mga pangalan ng mga botante sa Posted Computerized Voters List o PCVL at Election Day Computerized Voters List (EDCVL).

Kasalukuyan din ang kanilang beripikasyon at sertipikasyon sa mga natukoy na listahan.

Maliban dito ay patuloy ang pamimigay nila ng Voters information sheet sa bawat botante na kung saan ay dito nakapaloob ang mga mahahalagang impormasyon gaya ng precinct number kung saan boboto ang mga botante at listahan ng mga tumatakbong kandidato mula sa Presidente hanggang Sangguniang Bayan.

Kasama din sa Voter/s Information Sheet ang tamang paraan kung paano ang pagboto.

Ang mga kasapi ng COMELEC sa ilalim ng pamumuno ng kanilang Election Officer Ginoong Ramon L. Octobre kasama ang mga election registration board, na kinabibilangan ng chairman, election officer, District supervisors at mga taga local civil registrar ang siyang pangunahing gumagawa sa naturang pagsasa-ayos at paghahanda.

Ang bayan ng Reina Mercedes ay mayroong 18, 359 na rehistradong botante na boboto naman sa tatlumput tatlo na mga clustered precincts na nakakalat sa dalawampung mga barangay nito.

Sa ngayon ay wala pa silang naengkuwentrong mga problema kaugnay sa mga tumatakbong mga kandidato o sumbong sa anumang bayolasyon kaugnay sa panahon ng pangangampanya.

Samantala, magsasagawa ang COMELEC Reina Mercedes ng operation baklas para sa mga campaign materials na wala sa tamang lugar at mga hindi naayon sa tamang sukat na campaign paraphernalia sa Abril 12, 2022, araw ng Martes.

Facebook Comments