Comelec sa Tuguegarao City Cagayan, Nagkaroon ng Tensyon!

Tuguegarao City, Cagayan – Nagkaroon ng tensyon kahapon sa tanggapan ng Comelec Tuguegarao City matapos na hablutin ni  Congressman Randy Ting ng ikatlong distrito ng Cagayan at dis-armahan ng mga otoridad ang isang lalaki na nabistong may dalang baril habang sumusunod-sunod sa naturang kongresista.

Ayon sa naging pahayag ni 3rd. Disctrict Congressman Randy Ting, habang sinamahan niya umano ang grupo ng kanyang asawa na si Nancy Ting kasama ang mga tatakbong kagawad upang magfile ng certificate of candidacy  sa comelec ay sinusundan siya ng  kinilalang si Celso Cadangan na umano’y tauhan ni Atty. Victor Casauay na legal counsel naman ni Jojo Lara kung saan ay tatakbong congressman sa 3rd. district ng Cagayan.

Napansin niya umano na may baril si Cadangan kung kaya’t sinita niya ito at hinablot ang bag ngunit nagkaroon ng tensyon sa loob ng city comelec na nirespondehan naman agad ng mga pulis na malapit sa city comelec.


Dahil dito ay nagpasya ang kongresista na magsumite ng direktang reklamo kay PNP Chief General Oscar Albayalde at aniya’y isang grave treat umano ang ginawa ni Cadangan sa kanya.

Sa panig naman ni Atty. Casauay, tinawag nitong sinungaling at gumawa lamang ng eksena si Ting dahil sa kumpleto naman umano ang papeles ng kanyang tauhan at pursigido rin ito na magsasampa ng kaso laban sa kongresista.

Dagdag pa ni Casauay na  hindi pa umiiral ang gun ban kaya walang karapatan si Ting na hablutin ang bag  mula sa kanyang tauhan.

Ang asawa ni Congressman Ting ay tatakbo bilang congressman ng ikatlong distrito ng Cagayan.

Samantala, iminungkahi ni Congressman Randy Ting na dapat umanong ilipat na ang comelec  officer ng Tuguegarao City dahil sa pag-papahintulot nito na makapasok ang mga kasamahan ng mga pulitiko na may dalang baril at hindi istrikto sa bilang ng mga taong pumapasok sa city comelec office.

Facebook Comments