Sinimulan na ng Commission on Elections (COMELEC) ang pagde-deploy ng iba’t ibang election-related equipment o mga kagamitan na may kinalaman sa pagdaraos ng 2022 elections sa Mayo 9, 2022
Sa pahayag ng COMELEC, kabilang sa ipapamahagi ang vote counting machines o VCM external batteries na ang deployment ay hanggang Marso 31 habang ang mga ballot box ay target na maihatid hanggang Abril 10.
Ang mga ito ay nagmumula sa warehouse ng COMELEC sa Sta. Rosa, Laguna at inihahatid sa mga local hubs sa buong bansa.
Samantala, ang “non-accountable forms and supplies” naman ang susunod na idedeploy sa Pebrero 16, mula sa COMELEC warehouse sa Quezon City papunta sa mga provincial at city treasurers sa mga lugar na prayoridad.
Dagdag ng COMELEC, ang pag-deploy sa VCMs, Consolidation and Canvassing System o CCS machines at transmission equipment ay uumpisahan sa Abril 2 hanggang 19.
Habang ide-deploy naman ang mga opisyal na balota at indelible ink na mula sa National Printing Office (NPO) sa mga city at municipal treasurers simula Abril 20 hanggang Mayo 5.
Dagdag pa ng COMELEC, nagpadala na sila ng notice sa lahat ng political parties, political candidates, party-list groups at accredited citizens’ arms ng komisyon, sa pamamagitan ng mga paraang minamandato ng batas.