Binigyang katiyakan ng Commission on Elections o COMELEC na makakaboto pa rin ang mga Pilipino sa Shanghai, China sa kabila ng mataas na kaso ng COVID-19 at mahigpit na lockdown doon.
Isa ang Shanghai, China sa mga lugar sa ibang bansa na apektado ng suspensyon ng overseas voting para sa 2022 eleksyon.
Sa pagdinig ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms, kinumpirma ni COMELEC Commissioner Marlon Casquejo na wala pang Pinoy sa Shanghai na nakakaboto dahil naka-lockdown na bago pa man ang April 10.
Magkagayunman, tiniyak ni Casquejo na tuloy pa rin ang overseas voting o magkakaroon ng “special election” sa Shanghai, basta’t ma-lift o maalis na ang lockdown doon.
Nauna nang sinabi ng COMELEC na hanggang May 9, 2022 pa ang overseas voting.
Pagtitiyak pa ni Casquejo sa komite, maisasakatuparan ang “right to vote” o karapatang makaboto ng mga Pilipino sa Shanghai, kaya huwag ipag-aalala ang anumang pangamba ng “disenfranchisement.”