Tuesday, February 24, 2026

Comelec, wala pang resolusyon sa isyu ng SOCE ni Sen. Marcoleta

Wala pang inilalabas na resolusyon ang Commission on Elections (Comelec) kaugnay sa isyu ng Statements of Contributions and Expenditures (SOCE) ni Senator Rodante Marcoleta.

Ito ay kahit tapos na ang fact-finding investigation sa hindi umano pagkakatugma ng isinumiteng SOCE sa kaniyang statements of assets, liabilities, and net worth (SALN) nang tumakbo ito sa 2025 Elections.

Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, sa ngayon ay wala pang resolusyon ang Political Finance and Affairs Department na humahawak sa kaso.

Inimbestigahan si Marcoleta dahil nakadeklara sa kaniyang SOCE na wala siyang natanggap na kontribusyon sa mahigit P112 million na gastos sa kampanya gayong aabot lamang sa halos P52 million ang kaniyang SALN.

Una nang sinabi ni Garcia na naging depensa ni Marcoleta na ibinigay ang campaign donation bago pa man siya opisyal na maging kandidato batay na rin sa Peñera ruling kung saan magiging kandidato lamang ang isang naghain ng COC pagpasok ng unang araw ng campaign period.

Samantala, ang Comelec Law Department naman ang magdedesisyon kung tutuloy ang kaso sa preliminary investigation.

Facebook Comments