Manila, Philippines – Kinalampag ni Anakpawis Rep. Ariel Casilao ang Commission on Appointments na huwag ng bitinin ang kumpirmasyon ni DSWD Sec. Judy Taguiwalo.
Naniniwala si Casilao na walang basehan para hindi makumpirma si Taguiwalo dahil kung pagbabasehan ang track record at accomplishment nito ay hindi hamak na nararapat ito sa pwesto.
Ang kakayahan ni Taguiwalo ay hindi na kailangang pagdebatehan pa dahil subok na ito.
Pagtatanggol pa ni Casilao sa kalihim, ang panunungkulan ni Taguiwalo ay taliwas na taliwas sa sistema ng pinalitan nito mula sa nakaraang administrasyon.
Hindi na aniya naulit sa DSWD ang pagkabulok ng mga relief goods na palaging nangyayari noong nakaraang administrasyon.
Maituturing pang agent of change si Taguiwalo dahil sa mga reporma nito sa DSWD at pagtutok sa sektor na higit nangangailangan lalo na ang mga magsasaka, katutubo, manggagawa at mga maralita sa lungsod at kanayunan.
DZXL558, Conde Batac