Manila, Philippines – Patuloy ang ginagawang paghahanda ng Commission on Elections para sa barangay at Sangguniang Kabataan elections sa Oktubre.
Ito’y sa kabila ng pagnanais ni Pangulong Rodrigo Duterte na magtalaga na lamang ng barangay officials dahil sa pangamba na magamit ang drug money sa pagpopondo ng kampanya ng mga tatakbo sa barangay elections.
Ayon kay COMELEC Chairman Andres Bautista, nakasaad sa Republic Act 10923 na mula sa October 2016 ay inilipat ang Barangay at SK Elections sa October 2017 kaya kailangan nilang tumalima dito.
Aniya, sakali magpasa ng batas ang kongreso na nagpapaliban ang halalan ay nakahanda naman silang sumunod rito.
Sinabi ni Bautista na mas may malawak na kaalaman ang Pangulo ng bansa pagdating sa nasabing isyu.
Gayunman, mainam din aniyang pag-aralan kung sino ang bibigyan ng kapangyarihan na magtalaga ng barangay officials.