Sang ayon ang Commission on Population and Development o PopCom sa pagbibigay ng access sa mga menor de edad sa contraceptives o birth control.
Sa gitna ito ng patuloy na paglobo ng mga kabataang nabubuntis o teenage pregnancy.
Sa pulong balitaan sa Lungsod ng Quezon, sinabi ni Popcom Executive Dir Juan Perez III na dapat palitan na ang kontrobersyal na probisyon sa Reproductive Health Act na nagsasabing kailangan pa ng pahintulot ng mga magulang bago makakuha ng contraceptives ang kabataan.
Ayon pa kay Perez, nananatiling sexually active ang mga kabataan samantalang ayaw naman nilang makabuntis o maging magulang agad.
Ani Perez, dapat bigyan ng access sa birth control ay ang mga kabataan na mayroon ng anak upang hindi ito agad masundan.
Tinawag ng Popcom na nasa emergency situation na ang teenage pregnancy dahil nasa 1.5 million anya ang nadaragdag sa populasyon ng Pilipinas bawat taon.
Sa kanilang pagtaya, nasa dalawandaan libo na nasa edad sampu hanggang disi nueve ang nanganganak kada taon.