Inilabas na kahapon ni Commission on Elections (COMELEC) Commissioner Rowena Guanzon, ang kaniyang separate opinion kung saan bumoto siyang pabor na ma-disqualify si presidential aspirant Bongbong Marcos Jr.
Ayon kay Guanzon, malinaw na isang moral turpitude ang pagkabigong maghain ni Marcos ng kaniyang Income Tax Returns sa loob ng apat na magkakasunod na taon mula 1982 hanggang 1985.
Sinabi pa ni Guanzon na hindi na niya nahintay ang desisyon ng ponente na si Commissioner Aimee Ferolino lalo na’t magreretiro na siya sa Miyerkules at holiday naman ngayong Pebrero 1.
Hinamon din ni Guanzon si Ferolino na sabay silang magbitiw sa pwesto upang hindi na maapektuhan pa ang kredibilidad ng COMELEC.
Kasunod nito, inakusahan naman ni Ferolino si Guanzon na kinokondisyon ang publiko na delayed ang paglalabas ng resolusyon sa disqualification.
Inihalimbawa nito ang isang petisyon laban kay Marcos kung saan higit isang buwan bago mailabas ng COMELEC Second Division ang resolusyon noong Nobyembre 2021.