Magpapatuloy pa rin ang pagdinig ng mga komite sa Kamara kahit pa adjourned sine die na ang first regular session ng 18th Congress.
Ito ay kasunod na rin ng pag-adopt ng mga kongresista sa mosyon ni House Majority Leader Martin Romualdez na nagbibigay otorisasyon at karapatan sa lahat ng standing at special committees na magsagawa ng public hearings kahit naka-break na ang sesyon.
Salig rin sa house rules ang pagbibigay otorisasyon sa mga komite na magsagawa ng pagdinig kahit tapos na ang sesyon lalo na kung ito ay kinakailangan.
Ibig sabihin, tuloy pa rin ang pagdinig sa ABS-CBN franchise ng House Committees on Legislative Franchises at Good Government and Public Accountability.
Bago ang sine die adjournment ng Kamara ay nailusot sa ikatlo at huling pagbasa ang mga panukala para sa pagtugon sa COVID-19 kabilang ang P1.3-trillion economic stimulus package (ARISE Act), COVID-19-Related Anti-Discrimination Act, Crushing COVID-19 Act o pagsasagawa ng PCR testing sa mga vulnerable sectors, pagbibigay kapangyarihan sa Pangulo na baguhin ang petsa ng pagbubukas ng klase kung nasa state of emergency o may kalamidad, Financial Institutions Strategic Transfer Act at P1.5- trillion na COVID-19 Unemployment Reduction Economic Stimulus o CURES Act of 2020.