Nakabuo na ang Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes ng draft ng committee report para sa panukalang economic charter change na pangunahing isinusulong ng committee Chairman na si Senator Robin Padilla.
Sa draft report, nakasaad ang pagpapatawag sa dalawang kapulungan ng Kongreso bilang Constituent Assembly (Con-Ass) na mag-aamyenda sa pitong economic provisions ng Konstitusyon.
Pinadudugtungan din ng mga katagang “unless otherwise provided by law” ang mga probisyong nag-uutos na dapat pagmamay-ari ng Pilipino ang hanggang 60 percent ng negosyo at mga ari-arian sa bansa.
Kapag naisingit ang nasabing kataga, mangangahulugan na maaaring gumawa ng batas ang Kongreso para baguhin o alisin ang 40 percent na limit sa foreign ownership tulad sa mga negosyo o investment ukol sa exploration, development at utilization ng natural resources gayundin ng pagbili ng pribadong lupa at pagtatayo ng korporasyon.
Pinapayagan din ang paglikha ng batas para mapahintulutan ang 100 percent ownership ng mga dayuhan sa mga educational institutions, media company at mga public utility enterprises.
Hindi naman kasama sa pinaaamyendahan ang political provisions ng Konstitusyon.
Mangangailangan naman si Padilla ng lagda mula sa higit sa kalahati ng 16 na myembro ng komite o hindi bababa sa siyam na senador para tuluyan itong maiakyat sa plenaryo.