Inaprubahan na ng House Committee on Appropriations ang committee report ng House Bill 4228 o ang P4.1 Trillion General Appropriations Act.
Ayon kay House Appropriations Committee Chairman Isodro Ungab, gagawin nila ang lahat ng paraan para mabilis na maaprubahan ang pambansang pondo sa 3rd at final reading.
Sinabi naman ni Senior Vice Chairman Joey Salceda, faithful copy ng National Expenditure Program na isinumite ng Department of Budget and Management (DBM) ang ipinasang 2020 GAA.
Dahil wala silang binago sa budget, tiwala si Salceda na hindi matutulad ang 2020 budget sa 2019 budget na naantala ang pagapruba dahil sa mga naisingit na pondo.
Tinitiyak na ang 2020 budget ay tumutupad sa national goal na mabigyan ng magandang buhay at serbisyo ang mga Pilipino.
Bago ito ay nagkaroon muna ng executive session ang komite para plantsahin ang schedule ng deliberasyon ng pambansang pondo sa pagsalang nito sa plenaryo.
Hiniling naman ni Salceda na institutional amendments lamang ang ipasok sa budget sa plenaryo upang hindi maantala ang proseso.
Samantala, winithdraw naman ni Lanao del Norte Rep. Khalid Dimaporo ang pagiging co-author ng 2020 budget upang makapagtanong siya sa budget deliberation.