Inaprubahan na ng House Committees on Public Accounts at Good Government and Public Accountability ang committee report nang ginawang imbestigasyon patungkol sa isyu ng graft and corruption sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Ayon kay Public Accounts Chairman Mike Defensor, aprubado na ang committee report “subject to amendments” dahil ipapasok pa ang mga irerekomendang panukala ng mga mambabatas para sa pagsasaayos ng sistema ng PhilHealth.
Kasama sa mga rekomendasyon ay ang pagsasampa ng kasong administratibo at kriminal kina Health Secretary Francisco Duque III at dating PhilHealth President Ricardo Morales dahil sa iligal na paglalabas ng pondo sa sinuspindeng Interim Reimbursement Mechanism (IRM).
Dagdag din sa mga pinakakasuhan sina Labor Secretary Silvestre Bello III, Social Welfare Secretary Rolando Bautista, Budget Secretary Wendel Avisado, at Finance Secretary Carlos Dominguez III dahil ang mga ito ay miyembro ng PhilHealth board.
Ang iba pang PhilHealth board members na pinasasampahan ng kaso ay sina Maria Graciela Blas Gonzaga, Susan Mercado, Alejandro Cabading, at Marlene Padua.
Bago ang nangyaring pag-apruba sa committee report ay ibinasura ang omnibus motion ni Good Government and Public Accountability Chairman Jose Antonio Sy-Alvarado kung saan inaabswelto ang PhilHealth board members sa lahat ng mga kasong isinampa ng mga komite laban sa PhilHealth.
Sinabi naman ni Defensor na hindi pa rin naman lusot ang mga board members dahil magkakaroon naman ng hiwalay na asunto laban sa mga ito.
Kasama rin sa pinasasampahan ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at iligal na paggamit ng public funds sa ilalim ng Revised Penal Code sina Executive Vice President Arnel de Jesus, Senior Vice Presidents Israel Francis Pargas, Renato Limsiaco Jr., at (resigned) Rodolfo del Rosario at Senior Manager Rogelio Pocallan Jr.
Natuklasan sa imbestigasyon ng Kamara ang ₱102.5 billion na overpayment sa case-rate packages mula 2013 hanggang 2018 bukod pa sa ₱51.2 billion na mga anomalyang kinasangkutan ng PhilHealth.