Iniharap na ni blue ribbon committee chairman Senator Francis Tolentino sa plenaryo ang committee report kaugnay sa tinaguriang sugar fiasco.
Sa pagsusumite ni Tolentino ng report sa plenaryo ay ibinida nito na tinapos nila ang imbestigasyon sa kontrobersyal na sugar order no. 4 (SO4) sa loob lamang ng tatlong pagdinig at nagawan ng committee report matapos ang 17 araw na aniya’y kauna-unahan sa blue ribbon committee.
Ipinagmalaki rin ng senador na hindi napulitika ang pagdinig at kusang humarap pa si Executive Secretary Victor Rodriguez bago pa ma-isilbi ang subpoena.
Inireport ni Tolentino ang rekomendasyon ng komite kung saan pinakakasuhan ng administratibo at mga kasong kriminal ang dating agriculture official at tatlong Sugar Regulatory Administration (SRA) officials na lumagda sa hindi otorisadong SO4 para sa pagaangkat ng 300,000 metriko toneladang asukal.
Wala pang naging botohan sa pagapruba ng report dahil hindi pa nagkaroon ng interpelasyon sa plenaryo.
Inaasahan ngayong araw ang paglalabas naman ng Minorya ng sariling committee report ukol sa sugar fiasco.