Committee Report para sa overpriced na laptops na binili ng DepEd, iniharap na sa plenaryo ng Senado

Iniharap na sa plenaryo ng Senado ang committee report no. 19 para sa ginawang imbestigasyon ng Blue Ribbon Committee kaugnay sa biniling P2.4 billion overpriced na laptops ng Department of Education (DepEd) sa pamamagitan ng Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM).

Sa sponsorship speech ni Blue Ribbon Committee Chairman Senator Francis Tolentino, sinabi niyang mula sa mahigit sampung libong pahina ng ebidensya ang nakalap para mabuo ang committee report.

Ayon kay Tolentino, bukod sa “fact” o katotohanan na overpriced talaga ang mga biniling laptops, “antedated” din ang kasunduang pinasok ng DepEd at PS-DBM.


Nakasaad sa committee report ang rekomendasyon na kasuhan ng kasong kriminal at administratibo ang mga dati at kasalukuyang opisyal ng DepEd at PS-DBM na sangkot sa laptop controversy.

Napatunayan din na overpriced ng P979 million ang kontrata para sa suplay at delivery ng mga laptops kaya naman ipinagutos rin ng komite na mabawi ang nasabing sobrang halaga at ipinalalagak ito sa National Teachers Trust Fund.

Kasama rin sa rekomendasyon ang tuluyang pagbuwag sa PS-DBM kung saan naghain na si Tolentino ng Senate Bill no. 1802 at Senate Bill no. 1803 para naman sa rekomendasyong amyendahan ang RA 9184 o Government Procurement Reform Act.

Facebook Comments