Manila, Philippines – Anumang araw mula ngayon ay ilalabas na ng Committee on Justice and Human Rights at Blue Ribbon ang committee report ukol sa isinagawa nitong imbestigasyon sa ninja cops.
Ito ang inihayag ni Senator Richard Gordon na siyang chairman ng nabanggit na mga komite.
Ayon kay Gordon, uunahin niyang ilabas ang committee report sa ninja cops at isusunod na lang ang resulta ng mga pagdinig nito ukol sa mga katiwalian sa New Bilibid Prison (NBP) at Bureau of Corrections (BuCor).
Sa pagdinig ng Senado ay lumabas na sa drug raid na isinagawa sa Pampanga noong 2013 ay ni-recycle umano ng mga ninja cops ang malaking bahagi ng mahigit 200-kilong shabu na kanilang nasabat at pinalaya din umano ang nahuling drug lord na si Johnson Lee kapalit ng 50-million pesos.
Sinabi ni Senator Gordon na kabilang sa maaring irekomenda sa committee report ang mga kaso laban sa mga nasasangkot sa agaw-bato at recycling ng illegal na droga na paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at paglabag sa Dangerous Drugs Act.
Umaasa si Senator Gordon na makakakuha ng lagda ng mayorya ng mga senador ang inihahanda niyang committee report.