Cauayan City, Isabela- Nagsagawa ng pakikipag-dayalogo sa mga mamamayan ng Tumauini, Isabela ang tropa ng 86th Infantry Battalion katuwang ang ilang ahensya ng gobyerno para mailayo ang mga ito sa panlilinlang at panghihikayat ng mga makakaliwang grupo.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay 1Lt Jezreel Vizcayno, Acting CMO Officer ng 86th IB, 5ID, PA, kanyang sinabi na nakapagsagawa na ang kanilang yunit ng ‘Community Dialogue’ sa tatlong barangay ng nasabing bayan na kinabibilangan ng Dy-Abra, Antagan 1st at Camasi.
Kasabay ng kanilang pakikipag-ugnayan sa mga residente kaugnay sa deceptive recruitment at karahasang ginagawa ng mga NPA, namahagi ng 147 na sako ng corn seeds ang Municipal Agriculture Office (MAO) at 100 food packs ang LGU Tumauini bilang tulong na rin sa mga dumalong residente mula sa Brgy. Camasi.
Isinabay din sa kanilang aktibidad ang pamimigay ng leaflets sa mga constituents para sa kanilang karagdagang kaalaman at mapaalalahanan din ang mga ito na huwag sumapi sa grupo ng mga teroristang NPA.
Ayon pa kay 1Lt Vizcayno, magpapatuloy ang kanilang pakikipag-dayalogo sa mga mamamayan ng Tumauini lalo na sa mga barangay na malapit sa Sierra Madre upang matiyak at mailigtas ang mga ito sa kamay ng New People’s Army (NPA).
Kaugnay nito, nagpapasalamat ang mga residente sa Tumauini dahil sa pamamagitan ng ginagawang hakbang ng kasundaluhan ay namumulat ang mga ito sa katotohanan taliwas sa mga sinasabing impormasyon ng mga recruiter ng NPA.
Matatandaan kasi na nitong buwan ng Oktubre, muling sumiklab ang bakbakan sa pagitan ng militar at rebeldeng NPA sa Dy Abra, Tumauini, Isabela na nagresulta ng pagkakubkob sa kampo ng mga rebelde at pagkakarekober ng mga armas at pampasabog.