Community pantries, huwag politikahin – Malacañang

Nanawagan ang Malacañang na huwag haluan ng politika ang magandang layunin ng community pantry na nagpapakita ng bayanihan ng mga Pilipino.

Kasunod ito ng pahayag ng ilang mambabatas na ang taong bayan na ang kumilos dahil walang maaasahan sa gobyerno ngayong panahon ng pandemya.

Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, hindi dapat sinasakyan ng mga politiko ang magandang layunin para magtulungan ang bawat Pilipino sa panahon ng matinding pagsubok.


Aniya, likas na sa ating mga kababayan ang magtulungan lalo na sa panahon ng pangangailangan at ito ang isang magandang katangian sa mga Pilipino.

“Tingin natin itong mga community pantry ay nagpapakita na bayanihan ang umiiral, hindi bangayan. Alam po ninyo sa panahon ng matinding pandemya, sa panahon ng surge na ito, kinakailangan po talaga ay sama-sama tayong mga Pilipino dahil kung hindi tayo magtutulungan, sino pa an magtutulungan. Itigil na muna ang politika, iyan po ang pakiusap natin. Huwag po sa panahon na nagkakaroon ng ganitong surge. Bayanihan na po muna tayo, huwag bangayan,” ani Roque.

Giit pa ni Roque, sumasaludo ang Malacañang sa magandang adhikain ng community pantry dahil naipakita ang pagtutulungan at pagdadamayan sa panahon ng krisis.

Facebook Comments