Kulang para kay Senate Minority Leader Franklin Drilon ang report na isinumite ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Senado ukol sa implementasyon ng Bayanihan to Heal as One Act na tugon sa krisis na dulot ng COVID-19.
Puna ni Drilon sa report ng Pangulo ay walang comprehensive COVID financial package na magsasalba sa kalusugan ng mamamayan, magpapadali sa pagtulong sa mga mahihirap at magpapanatiling angat ang ekonomiya habang umiiral ang lockdown.
Ayon kay Drilon, sa unang report ng pangulo ay hindi rin nakasaad ang Special Purpose Funds o SPFs kaya malinaw na ang pondo pa rin na nasa ilalim ng 2020 General Appropriations Act ang ginagamit ngayong na pamahalaan.
Ito aniya ay kahit pa binibigyan ng batas si Pangulong Duterte ng espesyal na kapangyarihan para mag-reprogram, reallocate at realign ng pondo na magpapadali sa mga hakbang para sa COVID-19 emergency.
Apela ni Drilon, ilabas na agad ang pondo para sa mga programang itinatakda ng batas.
Kabilang sa tinukoy ni Drilon ang pagkuha ng mga bagong doktor at nurse at iba pang health workers; pagbili ng medical supplies at kagamitan tulad ng mga testing kits, at mechanical ventilators; at pagtatayo ng mga isolation units; at pondo para sa operational budget ng Philippine General Hospital.