Pinapatanggal na ni Senior Citizen party-list Representative Rodolfo Ordanes Jr., ang compulsory retirement age na 65 taong gulang sa mga manggagawa.
Nakapaloob ito sa inihain ni Ordanes na House Bill 3220 na mag-aamyenda sa Labor Code of the Philippines at maiayon sa Anti-Age Discrimination Law.
Layunin nito na hayaang magpasya ang mga edad 65 pataas kung nais pa nilang mag-trabaho kapag sila ay kwalipikado.
Katwiran ni Ordanes, maraming tao ang kayang-kaya pang mag-trabaho kahit sila ay senior citizen na lalo na kung kailangan nilang tustusan ang pangangailangan ng kanilang pamilya.
Diin ni Ordanes, maraming mga lolo at lola ang malulusog at malalakas pa, at maaaring makapag-patuloy bilang “assets” ng kani-kanilang kompanya o organisasyon na pinagsisilbihan.